Co Kim Eh (CKE) Rescue Foundation

CO KIM EH RESCUE FOUNDATION
T. Alonzo St., Sta. Cruz, Manila, Philippines
(in front of Arellano High School)
200,000 nadale ng baha
by N. Marasigan, B. Desolo, I. Cruz, J. de Loza
Abante, Dec. 10, 2005

Umaabot na sa 200,000-katao ang apektado ng flashfloods sa mga lalawigan ng Mindoro Oriental at Quezon samantalang tatlong bayan na sa Laguna ang lubog sa flashfloods na hatid ng monsoon rains.

Sa pinakahuling tala ng Office of Civil Defense (OCD), maliban sa mga inilikas na residente ng Oriental Mindoro at Quezon, nakapagtala rin ng apat na nasawi sa naturang biglaang paglaki ng tubig-baha.

Ito ay kinilalang sina Prelan Calinag at Roderick Aranilla ng Silangan, Malicboy, Pagbilao, Quezon; Jose Wilbert Gendrano ng Bgy. Liwayway, Mauban, Quezon; at Alberto Fernandez ng Villa Ilaya, Atimonan, Quezon.

Isang Belen Asnar naman ng Lucena City ang biniberipika ng OCD matapos mapasama sa talaan ng mga casualties at isa pang naiulat na nalunod sa Naujan, Oriental Mindoro.

Sa tala pa rin ng OCD ay nabatid na ang Lucena City ang pinakagrabeng naapektuhan sa lalawigan ng Quezon kung saan 14 na barangay ang nananatili sa mataas na antas ng tubig-baha samantalang apektado rin ang mga bayan ng Candelaria, Mauban, Atimonan Perez at Pagbilao.

Ang Calapan City naman ang dumanas ng pinakagrabeng pananalasa ng flashfloods kung saan lumubog sa baha ang 62 barangay sa kabuuang 157 barangay ng anim na bayan.

Sa kabuuan ay 42,726 pamilya o 192,410-katao ang inilikas at pansamantalang kinakanlong sa mga evacuation centers sa dalawang apektadong lalawigan taglay ang breakdown na 2,796 o 14,155 indibidwal sa Quezon at 39,690 o 177,041-katao sa Oriental Mindoro.

Sa lalawigan ng Laguna, iniulat ni Chief Supt. Jesus Verzosa, Police Regional Office (PRO) Calabarzon director, tatlong bayan na ang lumubog sa baha at ito ay ang Famy, Siniloan at Mabitac. Isinusulat ang balitang ito ay patuloy ang paglilikas ng mga biktima ng flashflood.

Sa gitna naman ng hindi inaasahang hagupit ng kalikasan sa Oriental Mindoro, iniutos ni PRO Mimaropa director Chief Supt. Delfin Genio ang pagbabantay ng pulisya sa presyo ng mga bilihin sa flood-hit na lalawigan upang matiyak na hindi makakapagsamantala ang mga abusadong negosyante.

Kaugnay pa rin ng Oriental Mindoro calamity, ipinasya rin ni Public Works Sec. Hermogenes Ebdane na ipasara na ang mga pangunahing kalsada ng lalawigan upang maiwasan ang aksidente sa hanay ng mga motorista.

Nagpakalat na ng babala sa mga kalsada patungo at palabas ng Calapan South at North Roads na nagpapayo sa lahat ng uri ng behikulo na huwag nang dumaan sa dalawang major roads na nabanggit upang makaiwas sa disgrasya dahil nakalubog pa rin sa baha ang naturang mga lansangan.

Samantala, naniniwala ang militanteng grupong Pamalakaya na hindi lang ang pagkasira ng dike bunga ng walang tigil na ulan ang dahilan ng matinding pagbaha sa mga lalawigang nabanggit.

Nakakagulat umano ang mabilis na pagtaas ng tubig gayong wala namang bagyo para pag-ugatan ng kalamidad.

Dahil dito, umapela ang Pamalakaya sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na sugpuin ang illegal mining at illegal logging sa mga lalawigan ng Laguna, Quezon at Oriental Mindoro.








Google
CKE site
WWW search


   
This CKEFoundation.org webspace is sponsored by:
McDonald's Binondo
435 Juan Luna St., Binondo, Manila, in front of Plaza Lorenzo Ruiz